56: Life According to Bob Ong
Nakamamangha isipin na dumating na ako sa yugto ng buhay ko kung saan ang mga likha ni Bob Ong ay nagbibigay impormasyon at tulong na para sa mga kabataan na katatapak pa lamang sa edad-18. Minsan rin akong dumaan sa edad na ‘to pero hindi ako nagkaroon ng pagkakataon makabasa ng akdang, tulad nito, ay magbibigay gabay sa akin para sa mga pagsubok ng tunay na buhay. Naging mas simple man ito dahil sa pagsikat ng Internet.
Sadyang nakatutuwa na magkaroon muli ng pagkakataon na makita at makilala si Bob Ong sa panahong ito ng buhay ko. Nabanggit ko ito hindi dahil nakalimutan ko siya, ngunit dahil iba na ang takbo ng isip ko. Ang mga panahon kung saan binasa ko ang mga nauna niyang akda ay nagdaan, at sa palagay ko’y iba na ang magiging tingin ko sa mga libro niyang nabasa ko noon.
Totoong mahusay siyang manunulat. Ang libro ay hinati niya sa ilang section kung saan unti-unti niyang binigyang kahulugan at ipinaliwanag ang ilang sitwasyon na kamumulatan mo sa oras na maging isang responsable ka nang tao (maging responsable ka man o hindi ay para pa rin ito sa iyo). Madaling basahin ang bawat parte ng libro lalo’t ang pagkakasulat nito ay para bang kinakausap ka lang ng tropa mo. Madali mong makalilimutan na nagbabasa ka nga pala.
Hindi ako nagulat na sa kalagitnaan ng pagbabasa ko sa librong ito ay muli akong namulat sa husay ni Bob Ong sa pagsulat. Naala-ala ko kung bakit isa siya sa iilang may-akda na nagbigay alab sa apoy ng interes ko sa mga likhang Filipino. Siyempre, dumating rin ako sa pagkakataon kung saan nakisabay ako sa uso, kinalimutan ang husay ng mga Filipino sa sining, at tuluyang naging mambabasa (halos eksklusibo) ng ingles. Ang tanging hiling ko ngayon ay kahit hindi man makilala ng kabataan ng panahong ito halintulad ng pagkakakilala ng henerasyon namin si Bob Ong ay sana huwag nilang makalimutan na may mahuhusay tayong manunulat, at ang likhang sining ng mga kababayan nating Filipino ay papantay o hihigit pa sa gawa ng mga iniidolo nating mga dayuhan. Bigyang kahulugan natin ang sariling atin. Suportahan ang likha ng mga manunulat (o kahit sino pa) na Filipino.